Tuesday, November 30, 2010

Salamin

Sadyang napatingin sa kanyang mata,
pagbuka ng bibig ko'y kanyang ginagaya.
Mula ulo hanggang paa kami'y iisa.
nasa harap ko, sino ka bang talaga?

Nagtagal sa pwesto para siyasatin,
bagitong kahit papano'y may dating.
Paumanhin, 'yun aking napansin,
kahit pa ang nakararami'y tanungin.

Hindi mawari tunay na katauhan,
kahit pa siya'y nakatindig sa harapan.
Bakit 'di makita siyang kakayahan,
sandata sa buhay ng pakikipagsapalaran.

Kausapin man walang kasiguraduhan,
sambit mo'y tangi lamang katahimikan.
Lumabas ka dyan tayo'y mag suntukan,
teka, 'wag nalang, masira pa aming tinginan.

Tila ako'y mawawala na sa katinuan,
husto na sa pag-iisip aking tinuran.
Hahanapin nalang ang mga kasagutan,
ang wala sa salamin na aking tinititigan.

Friday, October 29, 2010

Hayaan

Nadadalas iyong kalungkutan,
aking mabuting kaibigan.
Ano man iyong pinagdaraanan,
sige lang, tapusin mo 'yan.

Hwag ibaling iyong nararamdaman,
baka may matira pa dyan.
Ubusin mula sa kinalalagyan,
ng ikaw'y may matutunan.

Gaano man ika'y napasakitan,
ipadama iyan hanggang kaibuturan.
Maaaring bukas wala na 'yan,
mararamdaman ay kabaliktaran naman.

'Di sa ayaw kong ikaw'y tulungan,
sapagkat ako'y walang kakayahan.
Ngunit sarili mo ang nakakaalam,
kung saan siyang hangganan.

Sakali man ikaw ay hikayatin,
kalungkutan iyo'y agad baguhin.
Tanong ko nama'y iyong sagutin,
may mapapala ba sarili mong iyakin?

Tanging gawin lamang ay unawain,
bakit hapis iyong palalawigin.
Tandaan mo na lang aking ihahabilin,
hayaan lang, kagalakan pangako'y maihahain.

Monday, July 12, 2010

Tulo

'Di maiwasang malungkot,
sa nalaman awa'y sangkot.
Puso mo'y 'wag matakot,
pag-asa'y higit 'sang salakot.

Oras ay sadyang matulin,
'wag na natin palipasin.
Bago ka traydorin,
dagdag pa'y lapastanganin.

Kamay ko'y abutin,
pagsubok ay tatahakin.
Sino mang kalabanin,
atin iyang sisipain.

Sumama ka saakin,
tayo ay mananalangin.
Diyos naming mahabagin,
hiling ay mapasaamin.

Kaibigan isang pahintulot,
tulo ng luha'y ilimot.
Ayusin natin' tong gusot,
kahit pa tayo'y mamaluktot.

Monday, April 26, 2010

Likha

May butas aking gawa,
kaya 'wag malulula.
Ako'y isa lang bata,
sumusubok na tumula.

Akala'y si Balagtas,
ako na matatas.
Salita ko'y ibalangkas,
baka isip mo'y may gasgas.

Tingin saki'y 'wag sobra,
ako'y natataranta.
Pagpuri mo'y 'di uubra,
'wag nalang magabala.

Basahin aking likha,
kahit 'di matalinhaga.
Isipin mga kataga,
dito ba'y may hiwaga.

Ito'y hindi hinulma,
upang ika'y mapahanga.
Mamulat 'yong mata,
'yan aking tanging sadya.

Friday, February 12, 2010

Plaka

Nakaupo kasama ang marami,
hinihintay pagdating ng aming hari.
Oras lumipas aking pakiwari,
bakit kung kumilos tila isang pari?

Sa kaliwa'y nakita babaeng nakatulala,
nakapikit, talaga namang hinang-hina.
Sa kabila nama'y lalaking puno ng pag-a-alala,
naririnig ko kanyang puso'y kumakaba.

Sabay iyinuko aking ulo,
pinaglapat mga kamay ko.
Panginoon anong nagawa ko?
nasisira na aking ulo.

Pag-aruga syang inalay dito,
sa tahanan ng kalul'wang ibinigay mo.
Ano ba ang pagkukulang ko,
sa 'di patas na mundong ito?

Katawan na aking iningatan,
sinusubok parin ng kapalaran.
Pakiramdam'y wala ng patutunguhan,
pinapawi siyang tanging kagalakan.